Friday, December 5, 2008

Una Siyang Naging Akin

Pauanawa: Ang tulang aking nilikha ay kathang-isip lamang. Hindi ito hango sa aking karanasan o nang sino mang karanasan. Ang pagkakatulad ng mensahe ay hindi sinasadya.
anime love Pictures, Images and Photos
Ang pagpaparaya ay masakit
Limutin ko ma’y, ayaw mawaglit
Pinagsisihihan kong ako’y bumitaw
Sa pag-ibig nating nangingibabaw

Pinagtagpo ang ating mga landas
Umibig tayo na parang wala ng bukas
Itinali ng hangin ang ating mga puso
Tila walang makapaghihiwalay kahit tukso

Isinabay natin sa huni ng mga ibon
Ang tawanan natin sa maraming pagkakataon
Pinagsaluhan natin ang malulungkot na sandali
Tanging araw’t buwan ang saksi sa’ting pighati

Panandalian nating nilimot ang isa’t isa
Mga puso nati’y nawalan ng ligaya
Ang direksyon ng ating mga daan ay nag-iba
Hanggang naisipan nating magparaya

Sa iyong nalalapit na pagbabalik
Puso ko ay sobrang sabik
Mga alaalang muli nating pagtatagpuin
Para mabuo ulit ang pag-iibigang naangkin

Dumating ang araw, at tayo’y nagkita
Isang pagkakataong pambihira
Sa pagtatagpong ‘yon, ako’y may namalayan
Kasama mo pala ang isa kong kaibigan

Nakakabinging katahimikan ang nanaig
Tila tayong dalawa lang ang nasa daigdig
Relasyon n’yong dalawa ay ipinagtapat
Isang nakahihimatay na pagsisiwalat

Ang aking kaibigan ay lumapit
Pagpapaumanhin ang isinambit
Luha ko’y nag-uunahang pumatak
Dahil sa mga narinig na masaklap

Isipan ko’y halo-halo ang pasya
Ipaglalaban ba, o magpaparaya?
Hindi ko alam kung ano ang gagawin
Kaya sinabi ko na lang, “Una siyang naging akin…”

Ikaw, naranasan mo na bang mawalan ng minamahal? At ang masaklap pa nito’y siya ay napapunta sa iyong malapit na kaibigan?...
Ang tulang ito ay aking ginawa noong Mayo 2008. Tanda ko pa ito sapagkat nalikha ko ito noong magpapasukan na. Siguro mga tatlong araw na lang bago magpasukan. Aywan ko ba kung bakit ko ito nagawa. Habang ito’y aking isinusulat ay kakaiba ang aking nararamdaman. Nadarama ko talaga ang bawat letrang aking inilalapat sa aking notbuk. Masasabi kong isa ito sa mga pinakamagagandang tulang aking nalikha.
Umiikot ang diwa ng tula sa isang taong iniwan at inagawan. Masakit kung ating tutuusin sapagkat doble-doble ang mga pasakit na dumating sa kanya. Ang taong ito ay umibig sa isang lalaking akala niya ay habambuhay na makasasama. Marahil nasabi niya ito sapagkat napakasaya ang mga sandaling sila ay magkapiling. Oo, nag-aaway din naman sila, ngunit hindi naman sila humantong sa hiwalayan. Napatatawad nila ang isa’t isa. Kung iisipin, masasabi na ibang tao na perpekto ang kanilang pag-iibigan. Sa sobrang pagmamahalan ay hindi na nila namamalayan na nagsasawa din pala sila. Ika nga na mga nakatatanda, “masama ang sobra.” Napagpasyahan nilang limutin ang isa’t isa ngunit hindi ito nangangahulugan na hiwalay na sila. Kumbaga, pahinga muna. Masakit, syempre!
Lumipas ang mga araw na hindi nakatali ang kanilang mga puso. Ang taong ito ay gabi-gabing umiiyak – gabi-gabing nagdurusa. Nagsisisi siya kung bakit humantong pa sila sa mga ganoong bagay.
Nagbalik ang lalaki na may kasamang iba. Masakit diba? At ang mas masaklap, ang kasama niya ay ang malapit na kaibigan ng babaeng kanyang iniwan. Umagos ang luha ng dalawang matalik na magkaibigan. Hindi alam kung magagalit ba si babae o mag-iiskandalo. Wala siyang ibang sinabi kundi, “una siyang naging akin.”
Kahit ako (may-akda), ay naguguluhan kung papaano ko ipapaliwanag ang tula. Sabi kasi ng iba na bitin daw ito. Kaya balak ko itong sundan, at ‘yan ang dapat niyong abangan!

Follow ejsumatra on Twitter

Saturday, November 15, 2008

Ikinubling Pag-ibig

Sa ika-unang anibersaryo ng tuluyan niyang paglimot sa akin, narito ang aking handog:
hidden love Pictures, Images and Photos
Sa mga unang araw nitong pasukan
Ika'y hindi ko kinikibuan
Kausapin ka'y hindi ko magawa
Kahit ako sayo'y nangungulila

Sa araw ng paglipat ko ng seksyon
May nalaman din akong rebelasyon
Ika'y meron na palang girlfriend
Kaya hanngang ngayo'y 'di kita pinapansin

Pagmamahal ko'y 'di ko naipadama
Na nararapat sa iyo tuwina
Ikinubling puso'y sugatan na
Na akala ng iba'y namumukadkad pa

Kung sinu-sino ang aking ipinalit
Pero puso ko'y ikaw ang inaawit
Akala ng iba'y nakalimutan na kita
Ngunit daing ng puso ko'y ikaw pa rin sinta

Nagulantang ang aking pagkatao
Ng malaman kong ako'y minahal mo
Hindi ko lubos akalian
Na sa aki'y may magmamahal din

Pero bakit hindi naging tayo?
Bakit siya ang pinili mo?
Hindi pa ba sapat ang nagawa ko?
Kaya sa kanya ka naging interisado?

Kasagutan mo'y hindi ko kinaya
Pilit na umaalingawngaw sa'king alaala
Mga pangyayaring sayo'y seryoso pala
Kaya tinext mo na...

"Kala ko 'di mo na ako love,
kaya nanligaw na lang ako."

"Nung 'di mo ako pinapansin.
Halata naman 'di mo ako mahal,
tapos kahit tingin nga lang ata
'di mo magawa..."

"Eh kasi bakit naman
ngayon pa (bakit daw ngayon ko pa sinabi),
pwede pa naman
nung June 4 o kaya June 5."

"Tsaka sori talaga.
'Di ko alam na mahal
mo pa rin ako."

"La na eh...
Huli na ang lahat."


Hating gabi, ako'y umiiyak
Pinagsisisihan ang aking tinahak
Pagmamahal kong 'di naiparamdam
Ni hindi man lang sa'yo nagpaalam


Ang sakit, p*t**g in*!
Sinaktan mo'ko, 'lang hiya ka!
Pero hindi kita masisisi do'n
Biktima lamang tayo ng pagkakataon

Sugatan kong puso ay nananawagan
Pagmamahal mo ay nais kong balikan
Mga alaalang ayaw mawaglit sa'king isipan
Dahil sa kasalanan kong habambuhay pagsisisihan

Dinggin mo ang puso ko
Pagkakatao'y muling ibigay mo
Mahal na mahal pa rin kita
Ikaw ang buhay ko at wala ng iba

Ito ay aking isinulat noong ika-2 ng Nobyembre taong 2007, 1:05 – 2:30am.
Inspirasyon nito ang nangyari sa’kin noong ika-1 ng Nobyembre taong 2007, 1:30 – 8:30 pm ng magkatext kami ng taong pinakamamahal ko. Sa araw ding iyon ang huli naming pagkakaroon ng komunikasyon. Ngayon, itinanggi na niya ang lahat, kinalimutan ang nakaraan, at pinagmukha akong tanga. Ngunit, kailanma’y sa kanya pa rin ako liligaya. Kahit na pinagtutulakan na niya ako palayo, pilit ko pa ring pinagsisiksikan ang sarili ko at nagbabakasakaling isang araw ay kausapin niya rin ako. Ngayong ika-2 ng Nobyembre taong 2008, tatlong buwan na lang ay kaarawan ko na – kaarawan na namin. Nais ko sanang sa kaarawan namin ay makausap ko siya na hindi kasama ang kanyang girlfriend at “bestfriend” ko din. Na mi-miss ko na siya… Kung mangyayari man ito sa aking kaarawan, ito na marahil ang pinakamasaya kong kaarawan. Sa katanuyan nga, promise, walang joke, pwede ko ng sabihing, “Panginoon, maaari mo na po akong kunin.” Sa madaling salita, pwede na akong mamatay…

Follow ejsumatra on Twitter

Friday, November 14, 2008

Nagmahal Lang Ako

Hidden heart Pictures, Images and Photos
Ang ating landas ay pinag-isa
Mga puso nati’y nagkatagpo tuwina
Pag-ibig na walang hangga’y nadama
Noong kasama pa kita sinta

Mundo ko’y umikot lamang sa’yo
At ngayo’y ikaw ang dahilan ng buhay ko
Pagmamahal kong naramdaman mo
Pagsuyo mong kinaaaliwan ko

Kasabay ng pagpikit ng ating mga mata
Ay ating mga alaalang nagsara
Sa paggising ko’y lumisan ka na
At hanggang ngayo’y hinahanap-hanap ka

Pinagdaanan ko na lahat ng delubyo
Kahit na ako’y mapunta sa impyerno
Kong ika’y naroroo’y susundan ko
Dahil kasing init ng apoy ang pag-ibig ko

Habambuhay kitang hihintayin
Lahat ng parusa’y tatanggapin
Kung buhay ko man ang kapalit
Isusuko ko ito ‘wag ka lang mawaglit

Lahat ng pagsubok ay gagawin ko
Bumalik lang ang taong pinakamamahal ko
Kung kayo ay duda, may tanong ako
Nagmahal lang ako, kasalanan ba ito?




Napakamali naman ata ng timing ng tulang ito. Alam niyo ba naman kung bakit? Kasi isinulat ko ito noong ika-11 ng Nobyembre 2008 at ang araw ng iyon ay ang araw bago mag Division Schools Press Conference – isang paligsahan para sa mga estudyanteng manunulat.
Ano ang mali doon? Kasi dapat ay nagsasanay ako sa pamamagitan ng pagbabasa ng maraming artikulo sa mga dyaro. Eh hindi ko naman talaga maiwasan noh na makapagsulat ng ganitong uri ng tula sapagkat napakaraming nangyari sa araw na iyon. Pauwi na sana ako ng may lumapit na tunay na kaibigan sa akin. Sinabi niya lahat ng nangyari noong mga sandaling wala ako sa aming silid – ang mga taong sinisiraan ako. Sa araw na iyon ay nakilala ko kung sino ang aking mga tunay na kaibigan at syempre may mga nakaalitan din ako dahil sa aking napakakomplikadong buhay pag-ibig.
Pagkatapos kong makausap ang aking kaibigan ay dumako ako sa isa kong nakalapit na kaibigan. Isinalaysay ko sa kanya lahat ng mga nagyari at alam niyo ba naman ang sinabi niya? Let go na daw. Tapos sabi ko, ngayon pa ba naman ako maglelet-go kung kelan umabot na ako ng tatlong taon? Sabi niya, kasi nasasaktan lang daw ako, at sinasaktan ko din daw yung sarili ko.
Kayo? Naranasan niyo na bang umibig na kahit ang inyong mga kaibigan ay ayaw dun sa taong inyong minamahal? Na nais ng inyong mga kaibigan na pakawalan mo na siya? Na halos dumating ka na sa puntong kailangan mo ng mamili kung sino sa kanila – ang iyong mga kaibigan, o ang iyong minamhal?
Ang tulang ito ay umiikot sa dalawang mahahalagang paksa. Una, ang paghihintay para sa taong minamahal. Minsan, sa buhay natin, may mga bagay o tao tayong dapat isuko para sa kaligayahan ng iba. Mmm… Nagsama kayo ng matagal, tapos, alam niyo yun? Yung tipong ramdam niyo na na kayo na ang magkakatulyan? Mahal na mahal natin sila. At dahil sa sobrang pagmamahal natin sa kanila, naging bulag tayo sa mga bagay na dapat sana’y nakita natin noon pa. Halimbawa, unti-unti ng nawala ang pagmamahal niya sa’yo; o kaya’y may mga bagay o tao na mas dapat niyang unahin kaysa sa’yo. Tapos isang araw, magigising ka na lang na wala na siya… wala na siya! Tapos ang masakit pa nun, hindi man lang siya nagpaalam!
Sino ba naman ang hindi masasaktan sa ginawa niya eh ang sakit kaya nun?! Tapos, eto tayo ngayon, hindi maka-recover sa sobrang sakit! Tapos umaasa tayo na balikan tayo kasi minsan naman nila tayong minahal di ba? At ako, naniniwala ako na kapag minsan kang minahal ng isang tao, mayroon pa rin niyang natitira sa puso niya, kahit pa ilang ulit man nilang itanggi ito. Tapos sinasabi natin, maghihintay ako habambuhay. Siguro nga, iyan ang halimbawa ng isang tunay na pag-ibig.
Pero, papaano kung sa kahihintay natin ay hindi na natin namamalayan na may mga mali na pala tayong nagawa sa ating sarili? Dyan papasok ang pangalawang paksa.
Siguro naman lahat tayo ay may mga kaibigan. Yung mga kaibigan kasi natin, sila yung nakakakita kung tama o mali ba yung ginagawa natin. Andyan sila para gabayan tayo, at ituwid ang ating mga pagkakamali.
Di ba yung iba sinasabi nila na pakawalan na natin yung mga taong mahal natin? Eh madali lang naman kasing sabihin yun para sa kanila kasi hindi naman sila ang nagmamahal eh. Pero hindi ko sinasabi huh na awayin natin sila?! Siguro, concern lang sila sa atin kaya ganun sila.
Ah basta, para sa akin, kung mahal mo pa yung isang tao, bakit mo naman pakakawalan? Malay mo, isang araw, kung kelan mo siya pinakawalan, yun din pala ang araw na ika’y kanyang babalikan…

Follow ejsumatra on Twitter

Friday, October 31, 2008

Sa Likod ng Aking Maskara

heart mask Pictures, Images and Photos
Kadiliman ang naghahari sa gabing ito
Ang iyong presensya’y hinahanap ko
Sa likod ng aking makulay na maskara
Ay nakatago ang mukhang nangungulila

Ang nakikita niyo’y maskarang nakangiti
Na kayang itago ang aking pighati
Inaliw ako ng aking maskara
At sinabayan nito ang mga musika

Bumagal ang mga tugtugin sa mga sandaling ito
Mga tao’y nagsibalik sa kanilang mga pwesto
Ngunit ako’y naiwang nakatayo
Mga luha’y sa maskara ko itinago

Atensyon ng madla’y nasa akin na
Ang aking pagkatao’y hinuhulaan nila
Maging ikaw ay nakita kong nagtataka
Kung sino ang nasa loob ng maskara

Tumayo ka at isinama mo siya
Ang babaeng minahal mo din pala
Isinayaw mo siya at kayo’y naging masaya
Ramdam ko ito kahit ako’y naka-maskara

Palalim na ng palalim ang gabi
Nakatayo pa rin ako sa isang tabi
Walang sawa kang pinagmamasdan
At naibulong ko, “sana ako’y iyong balikan.”

Sana pala’y lagi na lang akong naka maskara
Upang lagi kong maitago ang aking tunay na nadarama
Dahil alam kong ika’y magiging masaya
Sa tuwing ako’y naka-maskara…



Napakasariwa pa sa aking alaala ang mga pangyayaring ito. Ito ay ang mga kaganapan noong ika-29 ng Nobyembre 2008 – Halloween Party ng aming paaralan. Ang aking kasuota’y puro itim. May maskara ako, may shades na may nakasabit na mata, may tungkod akong may bungo sa ibabaw, at higit sa lahat, may nakangiti akong maskara...
Lahat naman tayo ay marunong magmahal. Ngunit hindi lahat tayo ay mahal ng taong ating minamahal. Minsan, kailangan nating ikubli ang ating mga sarili upang tayo’y hindi nila makitaan ng kahinaan. Ayaw kasi nating makitang umiiyak at tila ang ating mga mukha’y nagmamakaawa.
Sa buhay natin, nagiging Malaya din tayo sa mga sandaling tayo’y nakatago – hindi nila tayo nakikilala. Malay ba nila kung sino ang nasa likod ng maskara? Ngunit, hindi naman tayo maaaring mag-maskara nalang habambuhay. Kailangan din nating harapin ang mga pagsubok na ibinibigay sa atin ng Panginoon. Dahil ang buhay, hindi lahat kaligayahan ang ating natatamasa. Kailangan din nating maghirap, magdusa, at magmakaawa. Ang mga pagsubok na nararanasin natin ay ginagawa tayong isang matatag na tao.

Follow ejsumatra on Twitter

Saturday, October 25, 2008

Ang Aking Katanungan

confused Pictures, Images and Photos
Bago ko ilathala ang aking mga artikulo sa blog na ito, may isa akong katanungan na talagang pupukaw sa inyong mga natutulog na puso at hahayaan ang inyong utak na gumana para masagot ito:

Ano nga ba ang mas tama ang mag bago ka para sa pagmamahal o hayaan ang pagmamahal na baguhin ka?

Marahil ay komplikasyon ang una niyong reaksyon. Mahirap intindihin dahil halos sila ay magkakatulad lamang. Kung susuriin nating mabuti, sila ay may napakalaking kaibahan.
Matagal ng bumabagabag sa akin ang katanungang ito ngunit noong una ko itong nabasa ay hindi ko ito agad pinaki-alaman. Nakuha ko ito sa isang website, na naglalaman ng artikulo tungkol sa Maging Sino Ka Man, isang dating palabas sa telebisyon na hinangaan ng maraming Pilipino sapagkat gabi-gabi itong nag-iiwan ng mga linyang tumatatak sa ating isipan.
Kagabi (Oct. 24, 2008), ay nakatext ko ang isang kong matalik na kaibigang lalake. Natutuwa ako sa kanyang kakaibang katangian sa aming paaralan – magulo, maingay, pasaway. Ngunit, sa kabila nito ay may nakatago siyang talento sa pagbibigay ng payo tungkol sa pag-big. Sa kanyang mga sagot, naging malinaw sa akin kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin sa tanong na ito.
Ayon sa kanya, pareho itong tama. Maaaring sa kanyang interpretasyon ay hinati niya sa dalawang bahagi ang tanong. Inuna niyang busisiin ang katagang, “ang magbago ka para sa pagmamahal.”
Sa buhay natin, hindi natin maiiwasang umibig. Lahat tayo ay maaring umibig. Ngunit hindi lahat tayo ay kayang ipadama ang ating pagmamahal sa taong ating minamahal. May mga taong kinikim-kim na lamang ang kanilang nararadaman. Hinahayaang makita ang kanilang iniirog na may kasamang iba. May mga tao rin namang malakas ang loob at kaya nilang ipadama ang kanilang pagmamahal sa taong tinitibok ng kanilang puso.
Kapag ikaw ay ganitong uri ng tao, marahil ay kailangan mong maging matatag. Hahamunin ka ng pag-ibig na tila ikaw ba’y isang superhero na kayang pasanin ang daigdig. Kakayanin mo lahat ng mga pagsubok upang makamit ang pinakainaasam na kaligayahan. Ngunit papaano kung kailangan mong magbago sapakat ito ang kagustuhan ng iyong minamahal? Halimbawa, ikaw yung uri ng taong “tarantado,” ngunit ang pag-uugaling ito ay hindi nagustuhan ng taong iyong minamahal at sinabi niyang magpakabuting tao ka na, magagawa mo ba? Marahil ay oo sapagkat ito ang kanyang kagustuhan. Ngunit, papaano kung hindi mo ito kaya? Pakakawalan mo na lang ba siya ng basta-basta? Dito na papasok ang katagang, “hayaan ang pagmamahal na baguhin ka.”
Hayaan ang pagmamahal na baguhin ka – isa itong matagal na proseso ng pagbabago. Kumbaga “Let time change your life.” Hindi natin ito namamalayan. Unti-unti itong kumakatok sa ating mga damdamin at isang araw ay mamamalayan nalang natin na nag-iba na tayo. Binago tayo ng pagmamahal; binago tayo ng tadhana; binago tayo ng ating sariling kapalaran…
Sa dalawang pagkakahati nito ay nakita natin na nauna ang “magbago para sa pagmamahal,” kaysa “hayaan ang pagmamahal na baguhin tayo.” Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay ito ang mangyayari. Nakadepende na rin ito sa ating sari-sariling sitwasyon. Maaring binago ka muna ng pagmamahal, o kaya’y binago mo muna ang sarili mo dahil sa pagmamahal.
Sa buhay ko, binago ako ng pagmamahal. Sa katanuyan, hindi nga ako makapaniwala eh. Nagmahal na rin kasi ako. At sinabi sa akin ng taong mahal ko na huwag daw akong masyadong maging maingay at maarte. Pero hindi ko ito nagawa sapagkat nature na talaga sa akin ang mag-ingay. Ngunit ang pagiging maarte ay hindi ko alam kung bakit siya naaartehan sa akin. Siya lang kasi ang nagsabi sa akin ng ganoon.
Ang nangyari sa akin ay patunay lamang na hindi ko binago ang sarili ko dahil sa pagmamahal. Hinayaan ko lamang ang pagmamahal na baguhin ako. Noong kami (tumutukoy sa taong mahal ko) ay magkasama pa, para siya lang ang mundo ko. Siya lang ang lagi kong kinakausap at sa kanya ko rin sinasabi ang mga sikreto ko. Nagpatuloy ito hanggang sa namalayan ko na lang na nagbago na pala ako. Nabawasan na ang aking kaingayan, at mas naging aktibo ako sa loob at labas ng aming paaralan. Kumbaga inspired ka na gumawa ng kabutihan. Ngunit, ang lahat ng ito ay nawala na parang bula. Sa kanyang paglisan, naiwan akong luhaan. Parang gumuho ang mundo ko. Parang nawala lahat sa akin. Kasabay ng kanyang paglisan ay nawala rin ang mga pananggalang ng aking tunay na pagkatao.
Ngayon, sa kasalukuyan, ay bumalik na ulit ang dating ako at ang masama dito ay mas tumindi pa. Mas naging magulo ako, mas umingay, lagi na lang napupuna ng mga guro. Bumaba na rin ang aking mga marka.
Masasabi ko sa sarili ko na binago talaga ako ng pagmamahal.
Ikaw, ganito din ba ang kwento mo?

Buong bersyon:
Ano nga ba ang mas tama ang mag bago ka para sa pagmamahal o hayaan ang pagmamahal na baguhin ka? Lahat tayo nakakagawa ng pagkakamali sa buhay natin. Minsan maliit, yun yung mga tipong madaling mapatawad at makalimutan. Minsan malaki, sa sobrang laki, pati tayo nahihirapan tayong patawarin ang sarili natin kaya pilit tayo nagbabago, naghahanap ng paraan para maitama ang mga mali para sa wakas maging karapat-dapat tayong magmahal at mahalin.

Follow ejsumatra on Twitter