Friday, December 5, 2008

Una Siyang Naging Akin

Pauanawa: Ang tulang aking nilikha ay kathang-isip lamang. Hindi ito hango sa aking karanasan o nang sino mang karanasan. Ang pagkakatulad ng mensahe ay hindi sinasadya.
anime love Pictures, Images and Photos
Ang pagpaparaya ay masakit
Limutin ko ma’y, ayaw mawaglit
Pinagsisihihan kong ako’y bumitaw
Sa pag-ibig nating nangingibabaw

Pinagtagpo ang ating mga landas
Umibig tayo na parang wala ng bukas
Itinali ng hangin ang ating mga puso
Tila walang makapaghihiwalay kahit tukso

Isinabay natin sa huni ng mga ibon
Ang tawanan natin sa maraming pagkakataon
Pinagsaluhan natin ang malulungkot na sandali
Tanging araw’t buwan ang saksi sa’ting pighati

Panandalian nating nilimot ang isa’t isa
Mga puso nati’y nawalan ng ligaya
Ang direksyon ng ating mga daan ay nag-iba
Hanggang naisipan nating magparaya

Sa iyong nalalapit na pagbabalik
Puso ko ay sobrang sabik
Mga alaalang muli nating pagtatagpuin
Para mabuo ulit ang pag-iibigang naangkin

Dumating ang araw, at tayo’y nagkita
Isang pagkakataong pambihira
Sa pagtatagpong ‘yon, ako’y may namalayan
Kasama mo pala ang isa kong kaibigan

Nakakabinging katahimikan ang nanaig
Tila tayong dalawa lang ang nasa daigdig
Relasyon n’yong dalawa ay ipinagtapat
Isang nakahihimatay na pagsisiwalat

Ang aking kaibigan ay lumapit
Pagpapaumanhin ang isinambit
Luha ko’y nag-uunahang pumatak
Dahil sa mga narinig na masaklap

Isipan ko’y halo-halo ang pasya
Ipaglalaban ba, o magpaparaya?
Hindi ko alam kung ano ang gagawin
Kaya sinabi ko na lang, “Una siyang naging akin…”

Ikaw, naranasan mo na bang mawalan ng minamahal? At ang masaklap pa nito’y siya ay napapunta sa iyong malapit na kaibigan?...
Ang tulang ito ay aking ginawa noong Mayo 2008. Tanda ko pa ito sapagkat nalikha ko ito noong magpapasukan na. Siguro mga tatlong araw na lang bago magpasukan. Aywan ko ba kung bakit ko ito nagawa. Habang ito’y aking isinusulat ay kakaiba ang aking nararamdaman. Nadarama ko talaga ang bawat letrang aking inilalapat sa aking notbuk. Masasabi kong isa ito sa mga pinakamagagandang tulang aking nalikha.
Umiikot ang diwa ng tula sa isang taong iniwan at inagawan. Masakit kung ating tutuusin sapagkat doble-doble ang mga pasakit na dumating sa kanya. Ang taong ito ay umibig sa isang lalaking akala niya ay habambuhay na makasasama. Marahil nasabi niya ito sapagkat napakasaya ang mga sandaling sila ay magkapiling. Oo, nag-aaway din naman sila, ngunit hindi naman sila humantong sa hiwalayan. Napatatawad nila ang isa’t isa. Kung iisipin, masasabi na ibang tao na perpekto ang kanilang pag-iibigan. Sa sobrang pagmamahalan ay hindi na nila namamalayan na nagsasawa din pala sila. Ika nga na mga nakatatanda, “masama ang sobra.” Napagpasyahan nilang limutin ang isa’t isa ngunit hindi ito nangangahulugan na hiwalay na sila. Kumbaga, pahinga muna. Masakit, syempre!
Lumipas ang mga araw na hindi nakatali ang kanilang mga puso. Ang taong ito ay gabi-gabing umiiyak – gabi-gabing nagdurusa. Nagsisisi siya kung bakit humantong pa sila sa mga ganoong bagay.
Nagbalik ang lalaki na may kasamang iba. Masakit diba? At ang mas masaklap, ang kasama niya ay ang malapit na kaibigan ng babaeng kanyang iniwan. Umagos ang luha ng dalawang matalik na magkaibigan. Hindi alam kung magagalit ba si babae o mag-iiskandalo. Wala siyang ibang sinabi kundi, “una siyang naging akin.”
Kahit ako (may-akda), ay naguguluhan kung papaano ko ipapaliwanag ang tula. Sabi kasi ng iba na bitin daw ito. Kaya balak ko itong sundan, at ‘yan ang dapat niyong abangan!

Follow ejsumatra on Twitter

3 comments:

IHartMyName said...

ISALI MO NAMAN AKO... LOVE STORY NAMIN... LOL :))) XOXO, MOMMY.

IHartMyName said...

ISALI MO NAMAN AKO... LOVE STORY KO... NAMIN... :))) LOL
XOXO, MOMMY.

IHartMyName said...

ISALI MO NAMAN AKO... LOVE STORY KO... NAMIN... :))) LOL
XOXO, MOMMY.