Friday, September 9, 2011

Maikling Kwentulang Pag-ibig (4 of 4)

Ikaapat na Kabanata: Magmamahal Muli

Faith, Hope & Love ~ Pictures, Images and Photos

Kung ako'y magmamahal muli
Sinisiguro kong ito'y magwawagi
Utak muna ang paiiralin
Bago ang puso't damdamin

Piliin ang karapat-dapat na tao
'Wag magpadala sa matamis na pagsuyo
Pagdedesisyo'y hindi basta-basta
Hayaan na panahon ang humusga

Suriing mabuti ang iyong sinisinta
Nang sa huli'y 'di ka maalipusta
May ibang sa umpisa lang masipag
Pagkatapos ay 'di naman naging matatag

Bagong kwento ng pag-ibig mag-uumpisa
Ihahabi ko ito sa aking bagong alaala
Magkikita ulit tayo sa susunod na sandali
Ngayong ako'y magmamahal muli

Follow ejsumatra on Twitter

Maikling Kwentulang Pag-ibig (3 of 4)

Ikatlong Kabanata: Ako'y Natuto Na

tears Pictures, Images and Photos

Mula sa pag-iibigang bigo
Muli kong bubuksan ang aking puso
Mga hinagpis ng nakaraan
Naghilom na sa kasalukuyan

Bitbit ang mga leksyon na dala
Ngayon ako ay natuto na
Pipiliin ang taong mamahalin
Iiwasan ang biga'y sakit sa damdamin

Butil ng luha'y magliliwanag
Sa'kin ngayo'y wala ng bumabagabag
Sisibol muli ang pagmamahalan
Habambuhay na iingatan

Malaya na ako sa nakalipas
Iibig ako na parang walang bukas
Takot sa pagkakamali'y iwinaksi
Dahil ako'y magmamahal muli

Follow ejsumatra on Twitter

Maikling Kwentulang Pag-ibig (2 of 4)

Ikalawang Kabanta: Alaala ng Kahapon

Love Pictures, Images and Photos

Dugo na pilit kong pinipigilan
Hapdi ng balat, aking iniiyakan
Sigaw na hindi napakikinggan
Lakas ay tuluyang nawala sa katawan

Sa aking pagmulat ay walang nagbago
Tila nakaukit ang kirot sa aking puso
Umaalingawngaw na alaaala ng kahapon
Mas nanaisin ko nalang mamatay ngayon

Ako ngayo'y pinarurusahan
Pait ng pag-ibig ay nararanasan
Minahal ko ang 'di karapat-dapat
Sana noon pa ako namulat

Kung nasaan man siya'y 'di ko alam
Ni sa paglisan niya'y 'di nagpaalam
Buhay kong nawalan ng sigla
May darating pa kayang pag-asa?

Follow ejsumatra on Twitter

Thursday, April 21, 2011

Maikling Kwentulang Pag-ibig (1 of 4)

Unang Kabanata: Oras na 'Di Namalayan

Road Pictures, Images and Photos

Katahimikan ang nanaig sa gabing iyon
Sasakya'y hinihintay tungo sa'king destinasyon
Liwanag sa malayo ay aking natanaw
Pag-asa sa aking puso'y nangibabaw

"Saan ka pupunta?" ang kanyang sambit
Napatulala ako nang ilang saglit
Nakabibighani nyang mga ngiti
Nakapagpatigil sa aking mga sandali

Sa kanyang sasakyan kami'y nagkwentuhan
Bilis ng oras ay 'di namalayan
Nahulog kami sa isa't isa
Bugso ng damdami'y umaalab na

Tinuldukan ang unang gabi nang isang halik
Sunud-sunod na tagpo'y naging kapana-panabik
Pinagtagpo kami upang magmahalan
Kwento ng pag-ibig ngayo'y aking sisimulan

Malinaw sa umpisa ng tula na ang senaryo ay sa isang madilim na kalye. Ang nagsasalita ay patungo dapat sa isang lugar ngunit ito'y hindi binanggit. Natanaw nya ang ilaw na tila ba ito ay nagsindi sa kanyang sarili at ngayo'y umaalab na ang kanyang pag-asa. Nakatagpo nya ang isang lalaki at mabilis na nahulog ang kanyang loob. Marami ang nangyari sa loob ng sasakyan. Mula noo'y naging madalas na ang kanilang pagkikita.
Saan kaya tutungo ang kanilang kwento ng pag-ibig? Abangan...

Follow ejsumatra on Twitter

Friday, September 24, 2010

Imortal na Pag-ibig

alone Pictures, Images and Photos

May sandaling naniwala akong mahal mo rin ako.
Sa isang 'di sinasadyang pagkakatao’y pinaglapit tayo ng tadhana. Unti-unting bumukadkad ang ating pagkakakilanlan. Magkasalo nating hinarap ang mga unos na sumubok sa ating katatagan, mga pagkakataong pilit na tinutuldukan ang ating pagkakaibigan.
Mas lumalim ang aking pagtingin. Tuwing kasama ka’y palaging nag-uunahan ang pintig ng aking puso. 'Di naglaon ay aking napagtanto: umiibig ako sa iyo.
Napakasarap alalahanin ng mga salitang ibinubulong mo sa akin. Kaysarap ulit-ulitin ng mga nakaw na sandaling ginagawa natin tulad ng pag-upo sa baybayin kaharap ang nakangiting dagat. Saksi ang bilog na buwan sa ating malalim na pagkakaibigan. Nagliwanag ang ating mga mata kasabay ng mga bituing puno ng pag-asa. Hinabi natin ang ating mga pangarap, habang unti-unting natatakpan ang mga bituin ng mga paparating na ulap.
Tulad ng isang napakasariwang panaginip, ako ay nagising sa tawag ng katotohanan. Nagsama-sama lahat ng ulap at bumuhos ang malakas na ulan. Dahil dito'y natigil ang ating pag-uulayaw at sa aking paglingo'y ikaw ay lumisan. Lahat ng kaligayahan na iyong idinulot ay naglaho na parang bula. Sa ilalim ng malakas na ulan ay naiwan akong mag-isa, at tinitiis lahat ng sakit ng mga matatamis na kasinungalingang maaaring hindi mo sinadya.
Nasaan ka man ngayon sinta, ay hindi magmamaliw ang huwad na pag-ibig na iyong ipinadama. Patuloy man akong nasasaktan, ay nais ko pa ring ibalik ang nakaraan. Sana'y pagtagpuin muli tayo ng tadhana upang tuluyang mawaksi ang aking pangungulila. Mamahalin kita magpakailanman, dahil imortal na pag-ibig sa iyo'y nakalaan.


Isang na namang napakalungkot na istorya... Isang pag-iibigang nauwi sa wala. Hindi na ito lingid sa ating kaalaman sapagkat ito'y karaniwang nangyayari sa ating paligid. Yun lamang, ang iba ay maswerte sapagkat nakakahanap sila agad. Ang iba naman, ang tagal makapagmove-on.

Ang ibig nga naman. Para sa iba, tila ito ay isang damo na kung saan-saan na lang umuusbong. Pero para sa akin, ito ay isang bagay na hindi minamadali sapagkat ang tunay na nagmamahalan ay nasusukat sa mga pagsubok na kanilang dinaanan at syempre, nalagpasan ;-)

Follow ejsumatra on Twitter

Tuesday, April 14, 2009

Sa Iyong Kamay, Susuko Ako...

Holding hands. Pictures, Images and Photos
Isang araw, tuluyan na rin akong maglalaho...
Ang aking mga liham ay mawawalan na ng saysay. Ang mundo ay mapapagod na sa akin. Ikaw ay mapapagod na rin sa akin. Mapapagod na rin ako sa sarili ko, at mamamatay… Ngunit, kailanma’y hindi ako mapapagod sa’yo. Para sa’yo, ay walang katapusan. Paulit-ulit kong bibigkasin ang iyong pangalan. Ang aking panalanging nakalaan lamang para sa’yo.
Pagkatapos, ako’y magiging isang bulaklak, na kailanma’y hindi mo pipitasin. At pagtitiisan ko ang aking pananabik sa kahihintay sa’yo hanggang sa ang mga harang ay mawala.
Habang wala akong ginagawa, ako ay bubuo ng sariling konstelasyon. Mga imahe mong kailanma’y hindi nabura sa aking alaala – sumasayaw, umaawit, naglalakad. Maraming kumikislap na mga bituin sa aking paligid. Ngunit, wala akong nakikita kun’di ikaw. Tila ikaw ay namumukadkad gaya ng mga bulaklak, at malayang nakagagalaw gaya ng mga dahon. Sa aking tabi, pinagmamasdan kita habang natutulog. Madilim na sa mga sandaling iyon, ngunit ngayo’y palalim na nang palalim ang gabi. Sa aking mga panaginip, makikita kita, aking mahal, na nasisinagan lamang ng liwanag…
Kagaya ng saranggola, ibinigay ko ang aking sarili sa hangin. Nakipagkaibigan ako sa araw. Nilito ko ang mga ibon ng kakaiba at malayong paglalayag. Ngunit, itinali mo ang sinulid at hinila mo ako pababa. Gaya ng saranggola, habambuhay kong hahawakan ang iyong kamay. At sa aking naglalagablab na pagnanais, maaari ko ng sabihin na, “Sa iyong kamay, susuko ako…”
Hindi ako mapapagod sa’yo. Para sa’yo, ay walang katapusan. Paulit-ulit kong bibigkasin ang iyong pangalan, “R*c*m**d… R*c*m**d…” Ang aking panalanging nakalaan lamang para sa’yo.
Alam mo, kailanma’y hindi na ako lalayo. At hindi ko na rin kailangang bumalik. Kailanma’y hindi ako naging manlalakbay. Dahil hindi naman talaga ako umalis, nawala lamang ako. Nagnanais akong makarating sa lugar na hindi ko pa napupuntahan, at kailanma’y hindi ko maaaring puntahan.
Ikaw ay napakahalaga para sa akin. Nag-umpisa ang buhay ko, noong minahal kita. At gusto kong mamatay na ikaw pa rin ang isinisigaw ng puso ko, sinta…



Happy Easter po!!! Sinumulan ko kasi itong ginawan ng explanasyon ngayong ika-12 ng Abril 2009 (Easter Sunday) pero hindi ko pa alam kung kailan ko ito ilalagay sa aking blog. 2am na po ngayon.
Ang sanaysay na ito ay salin mula sa wikang Ingles ng tanyag na sulat sa teleseryeng Maging Sino Ka Man. Matagal ko ng naisalin sa Filipino ang sanaysay na ito ngunit ngayon ko lang naisipang ilagay sa aking blog. Siguro naisalin ko ito noong kalagitnaan ng 2008. Bunga lamang ito ng mahaba kong pag-ibig kay R*c*m**d.

Para sa akin, malinaw ang mensahe ng sanaysay. Naipahahayag ng sanaysay ang gayuma ng pag-ibig sa ating buhay. Kapag kasi tayo'y umibig, handa tayong magsakripisyo. Kumbaga, kung sa tingin natin ay siya na nga ang hatid sa atin ng Panginoon, handa tayong maghintay. Hindi tayo magsasawang gawin ang mga bagay na nakaugalian natin magmula noong minahal natin siya. Sabi nga sa sanaysay, isinuko niya ang kanyang sarili sa hangin; nakipagkaibigan sa araw; at nilito ang mga ibon. Ito ay malinaw na pagsasakripisyo. Hindi na iyon bago sa ating buhay sapagkat may mga bagay talaga tayong dapat isakripisyo para makatagpo tayo ng mas mabuti pa rito. Ang konsepto ng pagsasakripisyo ay hindi lamang natin matatagpuan sa pag-ibig. Ito ay kasama na natin sa ating pang-araw-araw na gawain. Ngunit, papaano kapag naisakripisyo na natin lahat pero wala namang mabuting nangyayari?
Lagi nating tatandaan na kapag hindi talaga para sa atin, ay hindi magiging atin. Huwag na nating hintayin na lumuha pa tayo ng dugo. Makiramdam tayo sa mga taong nasa paligid natin. Kung sa tingin mo ay hindi siya yung uri ng taong makakasama mo habambuhay, iwan mo. Laging nating alalahanin na huwag nating ibigay lahat ng meron tayo kung sa tingin natin ay wala naman tayong mapapala. Magtira tayo para sa sarili natin. Huwag mong hayaang maibigay lahat ng saplot mo sa kanya dahil sa bandang huli, ikaw ang kawawa!

Follow ejsumatra on Twitter

Friday, December 5, 2008

Una Siyang Naging Akin

Pauanawa: Ang tulang aking nilikha ay kathang-isip lamang. Hindi ito hango sa aking karanasan o nang sino mang karanasan. Ang pagkakatulad ng mensahe ay hindi sinasadya.
anime love Pictures, Images and Photos
Ang pagpaparaya ay masakit
Limutin ko ma’y, ayaw mawaglit
Pinagsisihihan kong ako’y bumitaw
Sa pag-ibig nating nangingibabaw

Pinagtagpo ang ating mga landas
Umibig tayo na parang wala ng bukas
Itinali ng hangin ang ating mga puso
Tila walang makapaghihiwalay kahit tukso

Isinabay natin sa huni ng mga ibon
Ang tawanan natin sa maraming pagkakataon
Pinagsaluhan natin ang malulungkot na sandali
Tanging araw’t buwan ang saksi sa’ting pighati

Panandalian nating nilimot ang isa’t isa
Mga puso nati’y nawalan ng ligaya
Ang direksyon ng ating mga daan ay nag-iba
Hanggang naisipan nating magparaya

Sa iyong nalalapit na pagbabalik
Puso ko ay sobrang sabik
Mga alaalang muli nating pagtatagpuin
Para mabuo ulit ang pag-iibigang naangkin

Dumating ang araw, at tayo’y nagkita
Isang pagkakataong pambihira
Sa pagtatagpong ‘yon, ako’y may namalayan
Kasama mo pala ang isa kong kaibigan

Nakakabinging katahimikan ang nanaig
Tila tayong dalawa lang ang nasa daigdig
Relasyon n’yong dalawa ay ipinagtapat
Isang nakahihimatay na pagsisiwalat

Ang aking kaibigan ay lumapit
Pagpapaumanhin ang isinambit
Luha ko’y nag-uunahang pumatak
Dahil sa mga narinig na masaklap

Isipan ko’y halo-halo ang pasya
Ipaglalaban ba, o magpaparaya?
Hindi ko alam kung ano ang gagawin
Kaya sinabi ko na lang, “Una siyang naging akin…”

Ikaw, naranasan mo na bang mawalan ng minamahal? At ang masaklap pa nito’y siya ay napapunta sa iyong malapit na kaibigan?...
Ang tulang ito ay aking ginawa noong Mayo 2008. Tanda ko pa ito sapagkat nalikha ko ito noong magpapasukan na. Siguro mga tatlong araw na lang bago magpasukan. Aywan ko ba kung bakit ko ito nagawa. Habang ito’y aking isinusulat ay kakaiba ang aking nararamdaman. Nadarama ko talaga ang bawat letrang aking inilalapat sa aking notbuk. Masasabi kong isa ito sa mga pinakamagagandang tulang aking nalikha.
Umiikot ang diwa ng tula sa isang taong iniwan at inagawan. Masakit kung ating tutuusin sapagkat doble-doble ang mga pasakit na dumating sa kanya. Ang taong ito ay umibig sa isang lalaking akala niya ay habambuhay na makasasama. Marahil nasabi niya ito sapagkat napakasaya ang mga sandaling sila ay magkapiling. Oo, nag-aaway din naman sila, ngunit hindi naman sila humantong sa hiwalayan. Napatatawad nila ang isa’t isa. Kung iisipin, masasabi na ibang tao na perpekto ang kanilang pag-iibigan. Sa sobrang pagmamahalan ay hindi na nila namamalayan na nagsasawa din pala sila. Ika nga na mga nakatatanda, “masama ang sobra.” Napagpasyahan nilang limutin ang isa’t isa ngunit hindi ito nangangahulugan na hiwalay na sila. Kumbaga, pahinga muna. Masakit, syempre!
Lumipas ang mga araw na hindi nakatali ang kanilang mga puso. Ang taong ito ay gabi-gabing umiiyak – gabi-gabing nagdurusa. Nagsisisi siya kung bakit humantong pa sila sa mga ganoong bagay.
Nagbalik ang lalaki na may kasamang iba. Masakit diba? At ang mas masaklap, ang kasama niya ay ang malapit na kaibigan ng babaeng kanyang iniwan. Umagos ang luha ng dalawang matalik na magkaibigan. Hindi alam kung magagalit ba si babae o mag-iiskandalo. Wala siyang ibang sinabi kundi, “una siyang naging akin.”
Kahit ako (may-akda), ay naguguluhan kung papaano ko ipapaliwanag ang tula. Sabi kasi ng iba na bitin daw ito. Kaya balak ko itong sundan, at ‘yan ang dapat niyong abangan!

Follow ejsumatra on Twitter