Friday, October 31, 2008

Sa Likod ng Aking Maskara

heart mask Pictures, Images and Photos
Kadiliman ang naghahari sa gabing ito
Ang iyong presensya’y hinahanap ko
Sa likod ng aking makulay na maskara
Ay nakatago ang mukhang nangungulila

Ang nakikita niyo’y maskarang nakangiti
Na kayang itago ang aking pighati
Inaliw ako ng aking maskara
At sinabayan nito ang mga musika

Bumagal ang mga tugtugin sa mga sandaling ito
Mga tao’y nagsibalik sa kanilang mga pwesto
Ngunit ako’y naiwang nakatayo
Mga luha’y sa maskara ko itinago

Atensyon ng madla’y nasa akin na
Ang aking pagkatao’y hinuhulaan nila
Maging ikaw ay nakita kong nagtataka
Kung sino ang nasa loob ng maskara

Tumayo ka at isinama mo siya
Ang babaeng minahal mo din pala
Isinayaw mo siya at kayo’y naging masaya
Ramdam ko ito kahit ako’y naka-maskara

Palalim na ng palalim ang gabi
Nakatayo pa rin ako sa isang tabi
Walang sawa kang pinagmamasdan
At naibulong ko, “sana ako’y iyong balikan.”

Sana pala’y lagi na lang akong naka maskara
Upang lagi kong maitago ang aking tunay na nadarama
Dahil alam kong ika’y magiging masaya
Sa tuwing ako’y naka-maskara…



Napakasariwa pa sa aking alaala ang mga pangyayaring ito. Ito ay ang mga kaganapan noong ika-29 ng Nobyembre 2008 – Halloween Party ng aming paaralan. Ang aking kasuota’y puro itim. May maskara ako, may shades na may nakasabit na mata, may tungkod akong may bungo sa ibabaw, at higit sa lahat, may nakangiti akong maskara...
Lahat naman tayo ay marunong magmahal. Ngunit hindi lahat tayo ay mahal ng taong ating minamahal. Minsan, kailangan nating ikubli ang ating mga sarili upang tayo’y hindi nila makitaan ng kahinaan. Ayaw kasi nating makitang umiiyak at tila ang ating mga mukha’y nagmamakaawa.
Sa buhay natin, nagiging Malaya din tayo sa mga sandaling tayo’y nakatago – hindi nila tayo nakikilala. Malay ba nila kung sino ang nasa likod ng maskara? Ngunit, hindi naman tayo maaaring mag-maskara nalang habambuhay. Kailangan din nating harapin ang mga pagsubok na ibinibigay sa atin ng Panginoon. Dahil ang buhay, hindi lahat kaligayahan ang ating natatamasa. Kailangan din nating maghirap, magdusa, at magmakaawa. Ang mga pagsubok na nararanasin natin ay ginagawa tayong isang matatag na tao.

Follow ejsumatra on Twitter

1 comment:

Anonymous said...

Nice ONE!