Tuesday, April 14, 2009

Sa Iyong Kamay, Susuko Ako...

Holding hands. Pictures, Images and Photos
Isang araw, tuluyan na rin akong maglalaho...
Ang aking mga liham ay mawawalan na ng saysay. Ang mundo ay mapapagod na sa akin. Ikaw ay mapapagod na rin sa akin. Mapapagod na rin ako sa sarili ko, at mamamatay… Ngunit, kailanma’y hindi ako mapapagod sa’yo. Para sa’yo, ay walang katapusan. Paulit-ulit kong bibigkasin ang iyong pangalan. Ang aking panalanging nakalaan lamang para sa’yo.
Pagkatapos, ako’y magiging isang bulaklak, na kailanma’y hindi mo pipitasin. At pagtitiisan ko ang aking pananabik sa kahihintay sa’yo hanggang sa ang mga harang ay mawala.
Habang wala akong ginagawa, ako ay bubuo ng sariling konstelasyon. Mga imahe mong kailanma’y hindi nabura sa aking alaala – sumasayaw, umaawit, naglalakad. Maraming kumikislap na mga bituin sa aking paligid. Ngunit, wala akong nakikita kun’di ikaw. Tila ikaw ay namumukadkad gaya ng mga bulaklak, at malayang nakagagalaw gaya ng mga dahon. Sa aking tabi, pinagmamasdan kita habang natutulog. Madilim na sa mga sandaling iyon, ngunit ngayo’y palalim na nang palalim ang gabi. Sa aking mga panaginip, makikita kita, aking mahal, na nasisinagan lamang ng liwanag…
Kagaya ng saranggola, ibinigay ko ang aking sarili sa hangin. Nakipagkaibigan ako sa araw. Nilito ko ang mga ibon ng kakaiba at malayong paglalayag. Ngunit, itinali mo ang sinulid at hinila mo ako pababa. Gaya ng saranggola, habambuhay kong hahawakan ang iyong kamay. At sa aking naglalagablab na pagnanais, maaari ko ng sabihin na, “Sa iyong kamay, susuko ako…”
Hindi ako mapapagod sa’yo. Para sa’yo, ay walang katapusan. Paulit-ulit kong bibigkasin ang iyong pangalan, “R*c*m**d… R*c*m**d…” Ang aking panalanging nakalaan lamang para sa’yo.
Alam mo, kailanma’y hindi na ako lalayo. At hindi ko na rin kailangang bumalik. Kailanma’y hindi ako naging manlalakbay. Dahil hindi naman talaga ako umalis, nawala lamang ako. Nagnanais akong makarating sa lugar na hindi ko pa napupuntahan, at kailanma’y hindi ko maaaring puntahan.
Ikaw ay napakahalaga para sa akin. Nag-umpisa ang buhay ko, noong minahal kita. At gusto kong mamatay na ikaw pa rin ang isinisigaw ng puso ko, sinta…



Happy Easter po!!! Sinumulan ko kasi itong ginawan ng explanasyon ngayong ika-12 ng Abril 2009 (Easter Sunday) pero hindi ko pa alam kung kailan ko ito ilalagay sa aking blog. 2am na po ngayon.
Ang sanaysay na ito ay salin mula sa wikang Ingles ng tanyag na sulat sa teleseryeng Maging Sino Ka Man. Matagal ko ng naisalin sa Filipino ang sanaysay na ito ngunit ngayon ko lang naisipang ilagay sa aking blog. Siguro naisalin ko ito noong kalagitnaan ng 2008. Bunga lamang ito ng mahaba kong pag-ibig kay R*c*m**d.

Para sa akin, malinaw ang mensahe ng sanaysay. Naipahahayag ng sanaysay ang gayuma ng pag-ibig sa ating buhay. Kapag kasi tayo'y umibig, handa tayong magsakripisyo. Kumbaga, kung sa tingin natin ay siya na nga ang hatid sa atin ng Panginoon, handa tayong maghintay. Hindi tayo magsasawang gawin ang mga bagay na nakaugalian natin magmula noong minahal natin siya. Sabi nga sa sanaysay, isinuko niya ang kanyang sarili sa hangin; nakipagkaibigan sa araw; at nilito ang mga ibon. Ito ay malinaw na pagsasakripisyo. Hindi na iyon bago sa ating buhay sapagkat may mga bagay talaga tayong dapat isakripisyo para makatagpo tayo ng mas mabuti pa rito. Ang konsepto ng pagsasakripisyo ay hindi lamang natin matatagpuan sa pag-ibig. Ito ay kasama na natin sa ating pang-araw-araw na gawain. Ngunit, papaano kapag naisakripisyo na natin lahat pero wala namang mabuting nangyayari?
Lagi nating tatandaan na kapag hindi talaga para sa atin, ay hindi magiging atin. Huwag na nating hintayin na lumuha pa tayo ng dugo. Makiramdam tayo sa mga taong nasa paligid natin. Kung sa tingin mo ay hindi siya yung uri ng taong makakasama mo habambuhay, iwan mo. Laging nating alalahanin na huwag nating ibigay lahat ng meron tayo kung sa tingin natin ay wala naman tayong mapapala. Magtira tayo para sa sarili natin. Huwag mong hayaang maibigay lahat ng saplot mo sa kanya dahil sa bandang huli, ikaw ang kawawa!

Follow ejsumatra on Twitter

4 comments:

Who Again? (Sino Ulit?) said...

Ah. So this is it.
My blog: http://geninfoorg.blogspot.com
http://theopinionager.blogspot.com
and
http://generalmichaeljacksontribute.blogspot.com
http://thestorymindedteenager.blogspot.com

Anonymous said...

Aw...

Anonymous said...

Ganda ah...

Anonymous said...

natutunan ng isang pulutong