Friday, October 31, 2008

Sa Likod ng Aking Maskara

heart mask Pictures, Images and Photos
Kadiliman ang naghahari sa gabing ito
Ang iyong presensya’y hinahanap ko
Sa likod ng aking makulay na maskara
Ay nakatago ang mukhang nangungulila

Ang nakikita niyo’y maskarang nakangiti
Na kayang itago ang aking pighati
Inaliw ako ng aking maskara
At sinabayan nito ang mga musika

Bumagal ang mga tugtugin sa mga sandaling ito
Mga tao’y nagsibalik sa kanilang mga pwesto
Ngunit ako’y naiwang nakatayo
Mga luha’y sa maskara ko itinago

Atensyon ng madla’y nasa akin na
Ang aking pagkatao’y hinuhulaan nila
Maging ikaw ay nakita kong nagtataka
Kung sino ang nasa loob ng maskara

Tumayo ka at isinama mo siya
Ang babaeng minahal mo din pala
Isinayaw mo siya at kayo’y naging masaya
Ramdam ko ito kahit ako’y naka-maskara

Palalim na ng palalim ang gabi
Nakatayo pa rin ako sa isang tabi
Walang sawa kang pinagmamasdan
At naibulong ko, “sana ako’y iyong balikan.”

Sana pala’y lagi na lang akong naka maskara
Upang lagi kong maitago ang aking tunay na nadarama
Dahil alam kong ika’y magiging masaya
Sa tuwing ako’y naka-maskara…



Napakasariwa pa sa aking alaala ang mga pangyayaring ito. Ito ay ang mga kaganapan noong ika-29 ng Nobyembre 2008 – Halloween Party ng aming paaralan. Ang aking kasuota’y puro itim. May maskara ako, may shades na may nakasabit na mata, may tungkod akong may bungo sa ibabaw, at higit sa lahat, may nakangiti akong maskara...
Lahat naman tayo ay marunong magmahal. Ngunit hindi lahat tayo ay mahal ng taong ating minamahal. Minsan, kailangan nating ikubli ang ating mga sarili upang tayo’y hindi nila makitaan ng kahinaan. Ayaw kasi nating makitang umiiyak at tila ang ating mga mukha’y nagmamakaawa.
Sa buhay natin, nagiging Malaya din tayo sa mga sandaling tayo’y nakatago – hindi nila tayo nakikilala. Malay ba nila kung sino ang nasa likod ng maskara? Ngunit, hindi naman tayo maaaring mag-maskara nalang habambuhay. Kailangan din nating harapin ang mga pagsubok na ibinibigay sa atin ng Panginoon. Dahil ang buhay, hindi lahat kaligayahan ang ating natatamasa. Kailangan din nating maghirap, magdusa, at magmakaawa. Ang mga pagsubok na nararanasin natin ay ginagawa tayong isang matatag na tao.

Follow ejsumatra on Twitter

Saturday, October 25, 2008

Ang Aking Katanungan

confused Pictures, Images and Photos
Bago ko ilathala ang aking mga artikulo sa blog na ito, may isa akong katanungan na talagang pupukaw sa inyong mga natutulog na puso at hahayaan ang inyong utak na gumana para masagot ito:

Ano nga ba ang mas tama ang mag bago ka para sa pagmamahal o hayaan ang pagmamahal na baguhin ka?

Marahil ay komplikasyon ang una niyong reaksyon. Mahirap intindihin dahil halos sila ay magkakatulad lamang. Kung susuriin nating mabuti, sila ay may napakalaking kaibahan.
Matagal ng bumabagabag sa akin ang katanungang ito ngunit noong una ko itong nabasa ay hindi ko ito agad pinaki-alaman. Nakuha ko ito sa isang website, na naglalaman ng artikulo tungkol sa Maging Sino Ka Man, isang dating palabas sa telebisyon na hinangaan ng maraming Pilipino sapagkat gabi-gabi itong nag-iiwan ng mga linyang tumatatak sa ating isipan.
Kagabi (Oct. 24, 2008), ay nakatext ko ang isang kong matalik na kaibigang lalake. Natutuwa ako sa kanyang kakaibang katangian sa aming paaralan – magulo, maingay, pasaway. Ngunit, sa kabila nito ay may nakatago siyang talento sa pagbibigay ng payo tungkol sa pag-big. Sa kanyang mga sagot, naging malinaw sa akin kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin sa tanong na ito.
Ayon sa kanya, pareho itong tama. Maaaring sa kanyang interpretasyon ay hinati niya sa dalawang bahagi ang tanong. Inuna niyang busisiin ang katagang, “ang magbago ka para sa pagmamahal.”
Sa buhay natin, hindi natin maiiwasang umibig. Lahat tayo ay maaring umibig. Ngunit hindi lahat tayo ay kayang ipadama ang ating pagmamahal sa taong ating minamahal. May mga taong kinikim-kim na lamang ang kanilang nararadaman. Hinahayaang makita ang kanilang iniirog na may kasamang iba. May mga tao rin namang malakas ang loob at kaya nilang ipadama ang kanilang pagmamahal sa taong tinitibok ng kanilang puso.
Kapag ikaw ay ganitong uri ng tao, marahil ay kailangan mong maging matatag. Hahamunin ka ng pag-ibig na tila ikaw ba’y isang superhero na kayang pasanin ang daigdig. Kakayanin mo lahat ng mga pagsubok upang makamit ang pinakainaasam na kaligayahan. Ngunit papaano kung kailangan mong magbago sapakat ito ang kagustuhan ng iyong minamahal? Halimbawa, ikaw yung uri ng taong “tarantado,” ngunit ang pag-uugaling ito ay hindi nagustuhan ng taong iyong minamahal at sinabi niyang magpakabuting tao ka na, magagawa mo ba? Marahil ay oo sapagkat ito ang kanyang kagustuhan. Ngunit, papaano kung hindi mo ito kaya? Pakakawalan mo na lang ba siya ng basta-basta? Dito na papasok ang katagang, “hayaan ang pagmamahal na baguhin ka.”
Hayaan ang pagmamahal na baguhin ka – isa itong matagal na proseso ng pagbabago. Kumbaga “Let time change your life.” Hindi natin ito namamalayan. Unti-unti itong kumakatok sa ating mga damdamin at isang araw ay mamamalayan nalang natin na nag-iba na tayo. Binago tayo ng pagmamahal; binago tayo ng tadhana; binago tayo ng ating sariling kapalaran…
Sa dalawang pagkakahati nito ay nakita natin na nauna ang “magbago para sa pagmamahal,” kaysa “hayaan ang pagmamahal na baguhin tayo.” Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay ito ang mangyayari. Nakadepende na rin ito sa ating sari-sariling sitwasyon. Maaring binago ka muna ng pagmamahal, o kaya’y binago mo muna ang sarili mo dahil sa pagmamahal.
Sa buhay ko, binago ako ng pagmamahal. Sa katanuyan, hindi nga ako makapaniwala eh. Nagmahal na rin kasi ako. At sinabi sa akin ng taong mahal ko na huwag daw akong masyadong maging maingay at maarte. Pero hindi ko ito nagawa sapagkat nature na talaga sa akin ang mag-ingay. Ngunit ang pagiging maarte ay hindi ko alam kung bakit siya naaartehan sa akin. Siya lang kasi ang nagsabi sa akin ng ganoon.
Ang nangyari sa akin ay patunay lamang na hindi ko binago ang sarili ko dahil sa pagmamahal. Hinayaan ko lamang ang pagmamahal na baguhin ako. Noong kami (tumutukoy sa taong mahal ko) ay magkasama pa, para siya lang ang mundo ko. Siya lang ang lagi kong kinakausap at sa kanya ko rin sinasabi ang mga sikreto ko. Nagpatuloy ito hanggang sa namalayan ko na lang na nagbago na pala ako. Nabawasan na ang aking kaingayan, at mas naging aktibo ako sa loob at labas ng aming paaralan. Kumbaga inspired ka na gumawa ng kabutihan. Ngunit, ang lahat ng ito ay nawala na parang bula. Sa kanyang paglisan, naiwan akong luhaan. Parang gumuho ang mundo ko. Parang nawala lahat sa akin. Kasabay ng kanyang paglisan ay nawala rin ang mga pananggalang ng aking tunay na pagkatao.
Ngayon, sa kasalukuyan, ay bumalik na ulit ang dating ako at ang masama dito ay mas tumindi pa. Mas naging magulo ako, mas umingay, lagi na lang napupuna ng mga guro. Bumaba na rin ang aking mga marka.
Masasabi ko sa sarili ko na binago talaga ako ng pagmamahal.
Ikaw, ganito din ba ang kwento mo?

Buong bersyon:
Ano nga ba ang mas tama ang mag bago ka para sa pagmamahal o hayaan ang pagmamahal na baguhin ka? Lahat tayo nakakagawa ng pagkakamali sa buhay natin. Minsan maliit, yun yung mga tipong madaling mapatawad at makalimutan. Minsan malaki, sa sobrang laki, pati tayo nahihirapan tayong patawarin ang sarili natin kaya pilit tayo nagbabago, naghahanap ng paraan para maitama ang mga mali para sa wakas maging karapat-dapat tayong magmahal at mahalin.

Follow ejsumatra on Twitter